Bawal rin ‘yan, ha? Nakagawiang libreng sakay, vote-buying rin — Comelec

Ang nakagawiang libreng sakay sa araw ng halalan na ginagawa para sa mga tagasuporta ng isang kandidato ay bawal at maaaring ikonsiderang vote-buying rin, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato at tagasuporta nito na bawal mag-alok ng libreng sakay sa araw ng halalan para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 30.

“Nakasanayan kasi natin iyong nagbibigay ng libreng sakay papunta sa eskwelahan, iyon din po mismo ay sana mapigilan din natin,” paliwanag ni Comelec chair George Erwin Garcia sa isang press briefing matapos nang Operation Baklas ng ahensiya sa Smokey Mountains sa Tondo, Manila.

Ayon kay Garcia, ang mga libreng sakay papunta sa mga eskwelahan o polling precinct ay isang paraan rin ng vote-buying.

Wala mang malisya, maaaring makaaharap sa diskwalipikasyon ang kandidatong mapapatunayang lumabag sa kautusang ito.

Kaugnay nito, sinabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na iniimbestigahan na nito ang diumano’y vote-buying na ginanap sa isang warehouse sa Navotas, ngunit mga taga-Malabon ang mga botanteng puntirya.

Dagdag na ng NCRPO, may higit sa 200 witness na laban sa nahuling bumibili umano ng mga boto.