Bawal nga kasi! Mahigit 100 katao, arestado dahil sa paglabag sa umiiral na gun ban – PNP

Hindi bababa sa 169 katao ang arestado sa buong bansa nitong unang linggo ng tatlong buwang gun ban na ipinapatupad sa buong bansa upang mapanatili ang kaayusan sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE), ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, na ang 169 na lumabag ay nahuli mula Agosto 28, nang magsimula ang naturang gun ban, hanggang Setyembre 1. Idinagdag ni Fajardo na may kabuuang 98 na baril na iba’t ibang kalibre ang nasamsam rin sa nasabing linggo.

Ang gun ban ay ipinagutos ng Commission on Elections (COMELEC) noong Agosto 28, na siya namang unang araw rin ng election period. Ito ay kasabay rin ng paghahain ng certificates of candidacy (COCs) para sa BSKE sa Oktubre 30.

Ang pagbabawal sa baril ay tatagal hanggang Nobyembre 29.

Kaugnay rito, umapela naman si PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. sa mga may-ari ng baril na iwasang dalhin ang kanilang mga armas sa labas sa panahon ng gun ban dahil hindi magdadalawang isip ang mga pulis na arestuhin sila.

“We ask for the cooperation of people with firearms to avoid bringing them in public, so that you will not face any charges before the court,” apela ni Acorda sa isang pahayag sa media.

Ang mga may-ari ng baril ay ipinagbabawal na magdala ng kanilang mga armas sa labas ng kanilang mga tirahan sa panahong ito.