Bawal kayo dito! Higit sa 130 na banyagang sex offender, pinalayas ng Immigration sa Pilipinas

Nakikipag-ugnayan na ang Bureau of Immigration (BI) sa mga foreign missions sa Pilipinas upang manghingi ng listahan ng mga mamamayan nilang nahatulan sa mga sex crimes.

Umabot na sa higit sa 130 na banyagang sex offenders ang hindi pinahintulutan ng Bureau of Immigration (BI) na makatungtong sa Pilipinas simula Enero ngayong taon.

Binalaan pa ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang mga hinatulang sex offender na magtatangkang pumasok ng Pilipinas na hindi ito makakalusot sa mga kawani ng BI, at kaagad itong pababalikin sa mga pinanggalingan nilang bansa.

“We have established a working arrangement with the different foreign missions in Manila, who regularly provide us with the names of their nationals who have been convicted of sex crimes in their country,” ayon kay Tansingco.

Ibinida ni Tansingco ang matagumpay na pagpapaalis nito sa isang British national na nagtangkang pumasok ng Pilipinas kamakailan.

Agad pinabalik ng mga awtoridad ang Briton na si Anthony Collins, na sinentensyahan lang noong Mayo sa England dahil sa mga krimen na voyeurism at pagkuha ng ng malalaswang litrato ng mga menor de edad.

Kaagad isinakay si Collins sa kasunod na flight pabalik ng kanyang pinanggalingang bansa at nilagay sa blacklist ng undesirable aliens, ayon kay Tansingco.