Bawal dito ang manyak! 2 Amerikanong sex offender, naharang ng BI sa NAIA

Agad pinauwi ng Bureau of Immigration ang dalawang Amerikanong parehong may kaso ng child molestation. Inilagay na rin sila sa blacklist bilang undesirable alien.

Dalawang Amerikanong may mga kasong may kinalaman sa moral turpitude ang hinarang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa nagkahiwalay na okasyon.

Sa isang pahayag, tinukoy ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga Amerikanong hinarang na sina Zachary Tyler Thompson, 39, at Paul Neal Coltharp 46.

Parehong sex offender ang dalawa. Nahatulang may sala si Thompson sa mangmomolestiya ng isang menor de edad, pati na rin sa pagmamay-ari ng mga maseselang litrato na nagpapakita ng sexual misconduct.

Convicted naman sa kasong child molestation si Coltharp noong 1998.

Ayon kay Tansingco, agad na pinauwi ng BI ang dalawang Amerikano at inilagay sa blacklist bilang undersirable aliens.