Bato inalay sarili kay Quiboloy: ‘Walang pwedeng makapatay sa’yo’

Siniguro ni Senador Ronald 'Bato' dela Rosa na siya mismo ang sisiguro sa kaligtasan ni Pastor Apollo Quiboloy kapag nagpunta ito sa Senado.

Siniguro ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na siya mismo ang sisiguro sa kaligtasan ni Pastor Apollo Quiboloy kapag nagpunta ito sa Senado.

Ayon kay Bato, handa siyang maging security ni Quiboloy basta’t pumunta lang ito sa pagdinig tungkol sa mga reklamo sa kanya tungkol sa human trafficking, sexual abuse at iba pa.

“Kung takot siya, yung, takot siya na under threat yung buhay niya, I can be his security. I can secure him while he’s in the Senate, I can offer myself as his security kung pupunta siya dito,” wika ni Dela Rosa.

Kumpiyansa rin ang mambabatas na walang makakapanakit kay Quiboloy sa loob ng Senado.

“Punta ka dito, andito ako walang pwedeng makapatay sayo. Walang pwedeng makakabaril sayo, andito ako. Yun ang aking assurance sa kanya,” saad pa ni Bato.

Matatandaan na naglabas na ng arrest order ang Senado matapos na dedmahin ni Quiboloy ang subpoena para humarap siya sa pagdinig.

Hindi rin naging katanggap-tanggap para kay Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality chairperson Risa Hontiveros ang naging tugon ng kampo ni Quiboloy sa show-cause order, kaya pinirmahan na ni Senate President Miguel Zubiri ang pag-aresto kay Quiboloy.