Batas na magpapadali sa pagbayad ng buwis, pirmado na ni PBBM

Sinabi ng Malacañang na makatutulong ang Ease of Paying Taxes Law upang mas maging mabisa ang pagkolekta ng buwis sa bansa, na magagamit naman ng pamahalaan upang tuparin ang mga layunin ng 8-Point Socioeconomic Agenda nito.

Pirmado na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act (RA) No. 11976, o Ease of Paying Taxes Act, upang mas mapalago pa ang ekonomiya at maproteksiyunan ang mga karapatan ng mga nagbabayad ng buwis. Layon din ng bagong batas na palakasin pa ang revenue collection ng bansa.

Pinirmahan ni Marcos nitong Biyernes, Enero 5, ang RA 11976, na isa sa mga priority legislation na binanggit ni Marcos sa kanyang mga State of the Nation Address noong 2022 at 2023.

Kabilang sa mga mahalagang probisyon sa Ease of Paying Taxes Law ay ang mga sumusunod:

• Pagtatalaga sa mga taxpayer bilang “micro,” “small,” “medium,” at “large.”

• Pagkakaroon ng electronic o manual filing ng tax return at pagbabayad ng buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR) o sa authorized agent bank o authorized tax software provider.

• Pagbabayad ng internal revenue taxes removal sa City o Municipal Treasurer.

• Pagtatalaga sa value-added tax (VAT) refund bilang “low,” “medium,” at “high-risk.”

• Pagtanggal sa pagkakaiba ng documentation at basis of sales of goods and services.

Sa isang pahayag, sinabi ng Malacañang na makatutulong ang Ease of Paying Taxes Law upang mas maging mabisa ang pagkolekta ng buwis sa bansa, na magagamit naman ng pamahalaan upang tuparin ang mga layunin ng 8-Point Socioeconomic Agenda nito.