Batas na ang automatic income classification ng mga LGU—PBBM

Gagamitin ang bagong batas sa pagtukoy ng kakayahan ng mga local government units magpatupad ng mga development programs at tukuyin ang mga kinakailangang suporta mula sa national government.

Pinirmahan na ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act (RA) No. 11964 na gumagawa ng automatic income classification of local government units (LGUs) na naglalayong palaganapin ang local autonomy at kanilang full economic potential.

“In line with this, the State recognizes the need to determine the financial capability and fiscal position of local government units,” ayon sa batas, na naging ganap noong Huwebes, Oktubre 26.

Sa ilalim ng RA No. 11964, magkakaroon ng limang uri ng munisipalidad, ayon sa kanilang income range, at average annual regular income sa tatlong fiscal year bago isinagawa ang isang general income reclassification.

Tutukuyin ang isang LGU bilang First Class kapag mayroon itong annual average income na P200,000,000; Second Class kapag nasa pagitan ang taunang average income ng P160,000,000 at P200,000,000; Third Class (higit sa P130,000,000 ngunit mababa sa P160,000,000); Fourth Class (higit sa P90,000,000 ngunit mababa sa P130,000,000), at Fifth Class (mababa sa P90,000,000).

Binibigyan na ng kapangyarihan ng batas ang Secretary of Finance, matapos ang konsultasyon sa National Economic and Development Authority (NEDA) at LGU League, na i-adjust ang income range ayon sa actual growth rate ng annual regular income. Nasa saklaw na rin ng awtoridad ng Secretary of Finance ang pagsasagawa ng regular income reclassification kada tatlong taon.

Gagawin ang unang general income reclassification anim na buwan matapos maging ganap ang batas, at kada tatlong taon mula doon.

Gagamiting basehan ang LGU income classification para sa pagtukoy ng mga tulong na ibibigay ng national government sa kanila, ng kakayahan ng mga LGU na magsagawa ng mga development programs, pagbigay ng karagdagang pondo para sa personnel services nito, at pag-adjust ng sahod ng mga kawani nito sa ilalim ng Republic Act No. 11466, o “Salary Standardization Law of 2019.”