Basta legal! Bato wapakels kung may baril si Pastor Quiboloy

Walang nakikitang mali si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kung totoo man ang paratang na may mga baril si Pastor Apollo Quiboloy.

Walang nakikitang mali si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kung totoo man ang paratang na may mga baril si Pastor Apollo Quiboloy.

Ang paratang ay nagmula sa isang testigo laban kay Quiboloy. Sa isang pagdinig sa Senado, sinabi ng testigo na binigyan pa ni Quiboloy ng mga baril ang mag-amang Rodrigo Duterte at Bise Presidente Sara Duterte-Carpio.

Para naman kay Dela Rosa, normal sa mga taga-Mindanao ang may baril.

“Lahat ng taga-Mindanao ay mahilig sa baril. Karamihan sa mga tao sa Mindanao ay mahilig sa baril. Ano ang problem do’n kung may mga baril siya basta legal lang. Do you think si Pastor Quiboloy bibili ng baril na illegal? Wala naman tayong source ng illegal na baril,” saad ng mambabatas.

Ayon pa sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP), ang mga gustong manigurado kung may baril nga si Pastor Quiboloy ay maaaring sumangguni sa PNP-Firearms and Explosives Office (FEO).

“So tingnan na lang ninyo sa records sa FEO kung may mga record ba siya diyan na registered na baril,” dagdag pa niya.

Si Dela Rosa ay isa sa mga senador na nagpahayag ng suporta kay Quiboloy sa kabila ng sangkatutak na reklamong kinahaharap nito.