Basta karapat-dapat, sagot kayo ni Speaker! Tinatayang 4K na mag-aaral sa Zambales, binigyan ng ayuda ni Romualdez

Layon ng Integrated Scholarships and Incentives Program na bigyan ang mga maralitang mag-aaral ng karapatang tulong. Makatatanggap ang mga benepisaryo nito ng financial assistance kada anim na buwan sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development.

Halos 4,000 na mag-aaral sa Zambales ang binigyan ni House Speaker Martin Romualdez ng ayuda nitong Sabado, Enero 27, sa paglunsad ng Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP) sa SMX Convention Center sa Olongapo City.

Ito ay alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan ng pagkakataong makatanggap ng dekalidad na edukasyon ang mga karapat-dapat na mag-aaral.

“We are rolling out this program to give life to President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.’s directive to help qualified Filipino students who are financially incapable of paying for quality education,” saad ni Romualdez sa kaniyang talumpati.

Ang naturang ayuda ay financial aid at scholarship mula sa Office of the Speaker at katulong ang iba pang sangay ng pamahalaan.

“Inilunsad natin ito sa Iloilo noong nakaraang taon, at dito naman sa Zambales ang ating tututukan,” dagdag pa niya.

Layon ng ISIP na bigyan ang mga maralitang mag-aaral ng karapatang tulong. Makatatanggap ang mga benepisaryo nito ng financial assistance kada anim na buwan sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development.