Basta hindi pa nahahatulan! Tatlong PDL mula Calabarzon, Region 10, panalo sa BSKE–Comelec

Pinayagan tumakbo ang tatlong kandidato dahil hindi pa nareresolba ang kasong isinampa laban sa kanila, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) chair George Garcia na mayroong tatlong persons deprived of liberty (PDLs) ang nanalo sa nakalipas na barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Paliwanag ni Garcia, maaari pa ring tumakbo sa halalan ang mga PDL habang dinidinig ang kanilang mga kaso. Mula sa Calabarzon ang dalawang kandidato, habang may isa naman na mula sa Region 10.

“Under the guidelines ng pinatupad ng Comelec, yung mga PDLs o mga persons deprived of liberty ay makakaboto as long as walang final judgement of conviction. Ibig sabihin ang mga kaso nila ay kasalukuyang nililitis o ang kanilang mga kaso ay naka-apila sa mas mataas na korte,” ani Garcia.

“At dahil po dyan sila ay pinayagan bumoto at kumandidato,” dagdag pa ng opisyal.

Maaaring maglingkod ang mga nanalong PDL sa kanilang mga nasasakupan kapag napawalang sala na sila sa mga kaso nila, ayon sa Comelec chair.

“Kung sakali sila ay makakalaya later o kung sakali maabawelto sila sa mga kaso na kinakaharap tsaka po magtutuloy tuloy ang kanilang panunungkulan. Take note po pag kayo ay person deprived of liberty at wala pa final at executory judgement of conviction syempre po di pa kayo guilty sa ating batas” sinabi ni Garcia.