Basta ba hindi ma-hack yan! Online driver’s license application, pinag-aaralan ng LTO

Aminado ang Land Transportation Office (LTO) na nananatiling problema pa rin ng ahensya ang talamak na fixer na nangbubudol sa mga aplikante ng lisensya.

Pinag-aaralan ng Land Transportation Office (LTO) ang pagbubukas ng isang online system para sa mga motoristang nais mag-apply para sa lisensya ng hindi na kailangan magpunta sa tanggapan ng ahensya at ma-enganyo magpalakad sa mga fixer.

Inamin ni LTO chief Vigor Mendoza II na hindi pa rin nawawakasan ng ahensya ang pasulpo-sulpot na mga fixer sa mga tanggapan nito, na nag-aalok ng diumanong mas mabilis na pagproseso kapalit ng pera.

“Hindi pa ho namin talagang natutugunan ‘yan. Talagang ang aming approach ay magkaroon ng online system of registration, both for vehicle registration and license application,” sinabi ni Mendoza sa panayam niya sa CNN Philippines.

Isang paraan na inaaral ng LTO para sa paggawad ng lisensya sa mga aplikante ay ang paggamit sa online registration, at pagbibigay ng license card sa pamamagitan ng courier.

“Ang next na gagawin natin diyan ang driver’s license naman. We will implement an online procedure para hindi na kailangan pumuntang LTO. Then we could send the license via courier na lang po, parang passport,” aniya.

Hinikayat ni Mendoza ang publiko na iulat sa pamunuan ng LTO ang mga fixer na umaali-aligid sa mga tanggapan nito, lalo na kapag sangkot ang mga kawani ng ahensya.