Bantay sarado ang programa! PBBM sa mga lider ng ahensya: Siguraduhin walang anomalya sa Food Stamp Program

Namahagi si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Siargao Island ng mga cards na lalagyan ng load ng Department of Social Welfare and Development na magagamit pambili ng pagkain ng mga benepisyaryo.

Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng ahensya ng gobyerno na siguruhing walang anomalya sa pagpapatupad ng Food Stamp Program (FSP) masisigurong may pagkain sa bawat hapagkainan ng mamamayan.

Pinaalalahanan ng Pangulo ang mga pinuno ng ahensya sa paglulunsad ng FSP sa Siargao Biyernes, Setyembre 29.

“Tiyakin ninyong walang bahid ng anumang anomalya ang pamamalakad ng ating mga proyekto,” bilin ng Pangulo sa kanyang talumpati.

“Isinusulong natin ang ‘Food Stamps Program’ upang matiyak na hindi lamang busog ang mga benepisyaryo, kundi malusog, masigla, at malakas na magagampanan ang pang-araw-araw na mga gawain,” dagdag pa niya.

“Kaya naman, masaya ako at sisimulan na rin natin ngayon ang Food Stamp Program dito sa CARAGA,” aniya.

Sa ilalim ng FSP, mamamahagi ng electronic benefit transfer (EBT) cards ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan maglalagay ito ng food credits na nagkakahalaga ng P3,000 para magamit ng mga benepisyaryo na pambili ng pagkain.

Namahagi rin ang Pangulong Marcos ng 2,265 na sako ng bigas sa mga residente ng Siargao Island. Bahagi pa rin ito ng nakumpiskang puslit na bigas sa Zamboanga City.