Bantay-[salakay] rin kaya siya ng airport? Diamante, nahukay ng doktor mula sa tainga ng babae sa China

Palaisipan sa pasyente kung paano napunta ang diamante sa kanyang tainga, at kalaunan, naaalala niyang nawalan ng bato ang kanyang hikaw.

Laking gulat ng isang doktor sa Shaanxi Province sa China nang madiskubre niyang may diamante sa loob ng tainga ng pasyente niyang babae kamakailan.

Sumangguni ang pasyente sa doktor dahil sa problema sa kanyang pagdinig, na umabot na raw ng halos isang buwan.

Ayon sa pasyente, akala lang niya ay may kaunting pamamaga sa kanyang ear drum, na siyang nagdudulot ng sakit sa tainga. Minabuti na niyang kumonsulta sa doktor para makasiguro.

Sumailalim ang babae sa isang routine cleaning na pinangasiwaan ng doktor. Laking gulat ng doktor nang masilip niya ang tainga ng pasyente at makita ang maliit na diamante na nakadikit sa ear drum ng pasyente.

Dahan-dahang tinaggal ang bato ng doktor, at tiniyak niya na walang naging pinsala sa ear drum ng pasyente.

Napagtanto ng pasyente na may nawalang bahagi ng kanyang hikaw, at simula noon, naramdaman niya ang sakit sa tainga. Ayon pa sa pasyente, hindi niya lubos maisip na lulusot sa kanyang tainga ang maliit na diamante.

Payo ng doktor sa mga pasyente na agad magpakonsulta kapag may nararamdaman na hindi pangkaraniwan, at regular na magpalinis ng tainga sa propesyonal.