Bangkay ng retiradong sundalo, natagpuan sa sariling bakuran; pamangkin nito, arestado ng pulis

Batay sa paunang imbestigasyon, nakaalitan ng biktima ang suspek, na sarili nitong pamangkin, noong Disyembre 26, 2023, na araw mismo kung kailan huling nakita ang dating sundalo.

Natagpuan nitong Huwebes, Enero 4, ang bangkat ng isang retiradong sundalo na ilang araw nang pinaghahahanap ng mga awtoridad.

Nadiskubre ang kaniyang mga labi sa kaniyang mismong bakuran sa kaniyang tahanan sa Brgy. Habagatan, Talim Island sa Binangonan, Rizal.

Inaresto naman ang pamangkin nito, na suspek sa pagpaslang sa naturang sundalo.

Ayon kay Lt. Col. Evangeline Santos, na officer-in-charge ng Binangonan Municipal Police Station, ilang araw na ring hinahanap ng mga pulis ang 69-anyos na biktima dahil ni-report ng asawa nito na hindi na makontak.

“May nakapag-report naman sa barangay kahapon na may masangsang na amoy sa lugar na iyon,” kwento ni Santo. “Kaya iyon po ay pinuntahan ng barangay officials at doon nadiskubre iyong labi ng biktima. Iyong bangkay po ay natagpuan sa bandang likod ng bahay.”

Batay sa paunang imbestigasyon, nakaalitan ng biktima ang suspek noong Disyembre 26, 2023, na araw mismo kung kailan huling nakita ang dating sundalo.

Kwento ng mga testigo, pinaghahampas ng suspek ang biktima gamit ang kahoy, na maaaring ikinamatay nito.

Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek sa Binangonan police, at makakaharap ito sa kasong homicide.