Bangkay ng 2 Pinoy seaman, naiwan sa barko sa Yemen

Hindi pa rin nakukuha ang bangkay ng dalawang Pinoy na seaman na nasawi matapos matamaan ng missile ang barko na kanilang pinagtatrabahuhan sa Yemen.

Hindi pa rin nakukuha ang bangkay ng dalawang Pinoy na seaman na nasawi matapos matamaan ng missile ang barko na kanilang pinagtatrabahuhan sa Yemen.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Leo Cacdac, sa ngayon ay nasa barko pa rin ang katawan ng dalawang seaman.

“Yung labi ng dalawang nasawi na tripulante ay naroon sa barko dahil yung missile ay tumama sa fuel section ng barko at nagkaroon ng malaking sunog sa bahagi kung saan naroroon ‘yung dalawang tripulante,” ayon kay Cacdac.

“Nagkaroon ng emergency evacuation sa malaki ang sunog doon, kaya’t hindi sila nabalikan noong nag emergency evacuation,” aniya pa.

Saad ni Cacdac, magkakaroon ng salvage operation para hanapin ang labi ng dalawang Pinoy na nasawi sa pag-atake ng rebeldeng grupo na Houthi.

Ang barko na True Confidence ay natamaan ng missile na pinakawalan ng Houthi noong Miyerkoles, March 6. Sa naturang commercial vessel, 15 Pinoy ang nagtatrabaho.

Samantala, kinalampag naman ni House Speaker Martin Romualdez ang DMW, Department of Foreign Affairs at Overseas Workers Welfare Administration para maaksyunan agad ang pagkamatay ng 2 Pinoy seaman sa Yemen.

“We call for a comprehensive investigation into this heinous attack and urge the international community to condemn these cowardly acts of violence,” lahad ni Romualdez.