Bangkang nabangga ng oil tanker, nahatak na palaot — Coast Guard

Lulan ng FB Dearyn ang tatlong Pilipinong mangingisda na namatay nang makabanggaan nito ang Pacific Anna ng Marshall Island.

Gaya nang una nitong ipinangako, nahatak na ng Philippine Coast Guard (PCG) pabalik ng laot ang FB Dearyn, ang bangkak nakabanggaan ng isang oil tanker mula Marshall Islands.

Inanunsiyo ng PCG nitong Lunes, Oktubre 16, ang paghila sa nasabing bangka sa isang press conference, kung saan ikinuwento ni PCG Fact-Finding Committee vice chairperson Rommel Supangan ang naging proseso sa paghatak sa FB Dearyn.

“On 0859H, 14 October 2023, MTUG AVIOR personnel started the refloating operation, uprighting of the fishing boat FB Dearyn,” saad ni Supangan. “With the continuous effort in salvage operation on 1934H, 14 October 2023, FB Dearyn was uprighted.”

Dagdag naman ni Coast Guard Vice Admiral Joseph Coyme, na siyang namumuno sa PCG Fact-Finding Committee, sinabihan na niya ang station commander ng Subic Coast Guard na hanapan na paglalagyan ang bangka upang mapreserba kung anumang ebidensiya meron dito.

Matatandaang may sakay na 11 mangingisda ang FB Dearyn nang mangyari ang banggaan, na ikinamatay naman ng tatlo sa mga sakay ng bangka.