Banggaan sa Batangas: 5 patay, 3 sugatan sa head-on collision ng SUV at trak

Huwag magmamaneho ng puyat, pagod, o nakainom dahil maaaring may malagim na kahihinatnat ito.

Lima ang patay samantalang tatlo pa ang sugatan sa matinding banggaan sa pagitan ng isang sports utility vehicle (SUV) at trak sa national highway sa bandang Barangay San Miguel sa Santo Tomas City, Batangas.

Tumatahak pa-norte ang SUV na Toyota Innova, habang pa-Tayabas City naman ang trak nang mangyari ang malagim na insidente dakong 2:50 ng madaling araw nitong Sabado, Disyembre 23. Total wreck ang Innova sa tindi nang banggaan.

Ayon sa hepe ng Santo Tomas City Police na si PLtCol. Rodel Ban-o, naitakbo pa ng mga rescue team ang limang sakay ng Innova sa Laurel Memorial District Hospital, subalit dead on arrival na ang mga ito.

Kasalukuyan pang ginagamot ang 23-anyos na drayber ng SUV sa Daniel Mercado Memorial Hospital, samantalang nilalapatan ng karapatang lunas ang dalawa pa nitong sakay sa St. Francis Cabrini Medical Center.

Nakatulog diumano ang nagmamaneho ng Innova, ayon sa salaysay ng isa sa mga sugatan.