Baliwag ginawang katawa-tawa ng GMA 7 show; mayor bumwelta!

Nagpahayag ng pagkainis ang Mayor ng Baliwag, Bulacan matapos gawing katawa-tawa ang salitang “Baliwag” sa isang episode ng seryeng “Abot Kamay na Pangarap” ng GMA Network.

Nagpahayag ng pagkainis ang Mayor ng Baliwag, Bulacan matapos gawing katawa-tawa ang salitang “Baliwag” sa isang episode ng seryeng “Abot Kamay na Pangarap” ng GMA Network.

Sa isang Facebook post, sinita ni Mayor Ferdie Estrella ang palabas na ginamit ang salitang “Baliwag” bilang pamalit para sa salitang “baliw.”

Sa episode ng naturang palabas, nagsasalitang mag-isa ang karakter ng aktres na si Pinky Amador matapos itong makulong.

Bumanat naman ang karakter ni Jackie Lou Blanco nang marinig si Amador na kinakausap ang sarili at sinabing: “Nagdedeliryo na… Papunta na ito sa Baliwag, Bulacan.”

Ayon kay Estrella, ang insidente ay nagpapakita ng kakulangan sa kamalayan sa mahahalagang isyu tulad ng mental health.

Ipinaliwanag din niya kung saan nanggaling ang pangalan ng lungsod. Ang salitang “baliuag” daw ay isang matandang salitang Tagalog na ang ibig sabihin ay “malalim.”

Hindi rin daw aniya dapat ginagawang katatawanan ang usapin ng mental health problem.

“Ang Lungsod ng Baliwag ay isa sa mga nagtataguyod ng adbokasiya sa mental health, kaya naman hindi rin kami sumasang-ayon sa pagpapalabas ng nakakasirang tema lalo pa at ikinakabit ang Baliwag bilang punchline o bagong katawagan para makapangpahiya ng sinuman,” saad niya.

Kinokondena ng alkalde ang iresponsableng scriptwriter ng naturang palabas.

“Kaya naman kinokondena namin ang iresponsableng pagsusulat ng iskrip at pagpapalabas nito,” pagpapatuloy niya. “Nawa ay hindi na ito maulit, magsilbing aral, at makalikha ng kamalayan para sa mga susunod pa na palabas at iba pang pagtatanghal.”