Balik serbisyo na: PhilHealth online na matapos tamaan ng Medusa ransomware

Balik online na ang PhilHealth matapos maparalisa ang mga digital services nito dahil sa Medusa ransomware.

Online nang muli ang website at member portal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) matapos itong maging inaccessible ng ilang araw dahil sa Medusa ransomware na pumaralisa sa online system ng ahensiya.

Inatasan agad ng Department of Information and Communication Technology (DICT) ang PhilHealth na i-shutdown muna lahat ng mga online applications nito upang hindi na kumalat ang Medusa, na naging dahilan naman kung bakit naging offline ang website at member portal nito.

Kaugnay nito, mariing tinanggi ng PhilHealth na nakompromiso ang mga sensitibong impormasyon ng mga members nito matapos umano mai-post ang mga ito sa dark web.

Itinanggi rin ng DICT na nagbayad ang pamahalaan ng ransom upang matapos na ang gusot na kinasangkutan ng PhilHealth.

Dagdag pa ng ahensiya, patuloy itong nakikipagtulungan sa mga concerned agencies upang maresolbang tuluyan ang nasabing security incident.

“PhilHealth continues to collaborate closely with the DICT and the National Privacy Commission (NPC) to resolve the situation,” pahayag ng PhilHealth.

“The organization views this incident as an opportunity to further fortify its information security infrastructure to prevent such incidents from recurring in the future.”