Balik ‘Pinas at ligtas na: 17 Pilipinong lumikas sa Israel, nakabalik na ng Maynila

Ligtas na sa karahasan ang 17 Pilipino na nagsabi sa pamahalaan na gusto nilang umuwi muna ng Pilipinas dahil sa giyerang nagaganap sa Israel at Gaza.

Dumating na ang mga Pilipinong lumikas mula Israel sa gitna ng kaguluhan sa lugar na iyon sa pagitan ng militar nito at militanteng Hamas.

Tinanggap sila ng mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) na pinagtulungang iuwi ang mga Pilipino sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Miyerkules, Oktubre 18.

Ayon kay DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac, ito ay unang batch pa lamang, at karamihan sa kanila ay mga overseas Filipino workers (OFW) at isang bata. Tiniyak rin niyang bibigyan sila ng tulong ng gobyerno.

“They will continuously be assisted, including their travel to their respective home towns,” sabi ni Cacdac. Mabibigyan rin ng mga umuwing Pilipino ng financial assistance, ayon sa opisyal.

Sa kasalukuyan, may 30,500 OFWs sa Israel, at marami rito ang nagsabi na sa DMW at DFA na ligtas naman sila sa Israel.