Balik-ensayo: Gilas Pilipinas, sinimulan na ang paghahanda para sa Asian Games

Nag-ensayo nang muli ang Gilas Pilipinas nitong Lunes, Setyembre 11, bilang paghahanda sa Asian Games na gaganapin sa China.

Pormal nang sinimulan ng Gilas Pilipinas ang paghahanda nito para sa Asian Games na gaganapin sa Hangzhou, China at magsisimula sa Setyembre 26.

Kaugnay nito ay balik-ensayo na ang pangbansang koponan, na nagtipon-tipon sa PhilSports Arena sa Pasig para sa unang practice nito sa pangunguna ni Tim Cone, ang naitalagang head coach ng Gilas para sa nasabing torneo.

Kasama sa unang ensayo ng Gilas Pilipinas ang mga tinaguriang “usual suspects” ni Cone na sina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Justin Brownlee, at Scottie Thompson. Kabilang rin sa nasabing ensayo sina RR Pogoy, FIBA World Cup reserves Chris Newsome at Calvin Oftana, at naturalized player Ange Kouame.

Batay naman sa mga ulat ay may mga bagong manlalaro ang Gilas para sa Asian Games.

Una na rito sina Terrence Romeo at Calvin Abueva, na dati na ring naglaro at nagpakitang-gilas para sa Gilas. Kasama rin sa koponan ang big men na sina Jason Perkins at Mo Tautuaa.

Ayon kay Cone, ang 12 na dumalo sa unang ensayo ang bubuo sa koponang ipadadala sa China kung aaprubahan ng organizing committee ang pagsama kina Romeo, Abueva, Perkins, at Tautuaa.