Baka sugurin kami ng ‘kulto’! Socorro Mayor, humiling ng dagdag pulis, militar sa bayan

Nangangamba si Socorro Mayor Riza Rafonselle Timcang sa seguridad ng kanyang bayan matapos magkita sa isang video na galit na galit ang miyembro ng Socorro Bayanihan Services Inc.

Umapela sa pulis at military si Socorro Mayor Riza Rafonselle Timcang na dagdagan ng presensya doon matapos mangamba para sa seguridad niya at ng bayan mula sa miyembro ng Socorro Bayanihan Services, Inc. (SBSI), na inaakusahan na isang kulto.

Sa isang pahayag, nakiusap si Timcang sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpadala ng karagdagang pwersa sa bayan sakali mang magdulot ng kaguluhan ang mga miyembro ng SBSI doon.

“Based on the events that transpired on Sept. 24 in front of the national television cameras and beamed around the world, there is a real threat and imminent danger of violence escalation from the agitated members of the SBSI,” ani Timcang.

Kumalat noong isang araw ang video ng mga miyembro ng SBSI na tila nagwawala habang sumisigaw ng hustisya matapos ang napipintong imbestigasyon sa kanilang samahan.

Nakita rin sa video ang lider ng SBSI na si Jay Rence Quilario na umiiyak habang nagngingitngit sa galit ang mga miyembro nito dahil sa diumanong panggigipit sa kanilang pinuno.

Ani Timcang, dapat makapagpadala ng dagdag na pulis at military sa bayan bago magsimula ang pagdinig ng Senado sa Huwebes, Setyembre 28.

“I call on the leaders of SBSI to persuade your members to respect, by example, the rule of law,” Timcang said.