Baka plus-10 sa langit ang blessed balisong? Mga patalim at bala, kumpiskado sa ilang nagsisimba sa Quiapo Church para sa pista ng Itim na Nazareno

Bagaman bawal, may mga nahulihan pa rin ng mga patalim at iba pang ipinagbabawal na gamit. Hirit ng iba, nais lamang nilang mabasbasan ang kanilang mga dalang gamit.

Dumagsa ang mga deboto sa Simbahan ng Quiapo nitong Lunes, Enero 8, upang dumalo sa mga ginaganap na misa para sa pista ng Itim na Nazareno.

Ayon sa mga organizers ng Traslacion 2024 at Philippine National Police (PNP), tinatayang 23,000 ang nagsimba na. Sa katunayan, sa dami ng tao, ay sa Plaza Miranda na lamang nakapagsimba ang ibang mga deboto.

BASAHIN RIN: Sumunod na lang para walang aberya! Mga dapat gawin at iwasan sa Traslacion 2024, ipinalabas ng Quiapo Church

Naglagay rin ng X-ray machine at walkthrough metal detector ang mga awtoridad sa may Villalobos Street upang masigurado ang kaligtasan ng mga deboto at nagsisimba.

Pero bagaman bawal, may mga nahulihan pa rin ng mga patalim at iba pang ipinagbabawal na gamit.

“Mostly po ang na-intercept namin ay mga balisong, card knife, bala, at baton na galing sa mga churchgoers,” saad ni Apple Anterola ng Transport Security Risk Management Services-Office for Transportation Security.

BASAHIN RIN: Viva! Viva! Viva!: PNP, naka-alerto sa seguridad sa pagbabalik ng Traslacion 2024

Hirit ng ibang nahulihan, nais lamang nilang mabasbasan ang kanilang mga dalang gamit.

Ibinalik na ngayong taon ang Traslacion, na karaniwang dinadaluhan ng milyun-milyong deboto.

BASAHIN RIN: Traslacion 2024 update: Tinatayang 15K deboto, sumali sa prusisyon ng pasasalamat para sa Itim na Nazareno