Baka nasa kawatan na: Sensitibong impormasyon ng PhilHealth members, nasa dark web na

Pinatutubos ng mga hacker sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang ninakaw na data mula sa ahensya sa halagang US$300,000.

Naka-post na sa dark web ang mga mahahalagang impormasyon o sensitive data ng ibang miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) matapos mapasok ang system nito ng Medusa ransomware noong Biyernes, Setyembre 22.

Ang mga cybercriminals naman na naglagay ng ransomware sa system ng PhilHealth ay humihingi ng ransom na $300,000, o halos P16 milyon upang tanggalin sa dark web ang naturang data o ibigay ang decryption key para magamit nang muli ng PhilHealth ang system nito.

“They have already made a demand for $300,000 for them to do two things: One is to delete the data that they captured, and two, is so they would give us the key so we can decrypt the data that they encrypted,” paliwanag ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Jeffrey Ian Dy sa The STAR.

Tiniyak naman ni Dy na agad nang inaaksiyunan ng National Computer Emergency Response Team ng DICT Cybersecurity Bureau ang nasabing security incident.