Baka nag-mekus mekus na ang gamot ni idol! Justin Brownlee, bagsak sa doping test ng Asian Games

Nababalot ngayon sa kontrobersiya ang kampeonato ng Gilas Pilipinas sa Asian Games matapos magpositibo sa doping test ang naturalized player nitong si Justin Brownlee. Matatandaang si Brownlee ang isa sa mga susi kung bakit nakopo ng Pilipinas ang gintong medalya.

Bagsak sa doping test ang naturalized player ng Gilas Pilipinas na si Justin Brownlee.

Inanunsiyo sa X (dating Twitter) ng International Testing Agency (ITA) na nakitaan ang urine sample ni Brownlee ng carboxy-THC, na kabilang naman sa mga ipinagbabawal ng World Anti-Doping Agency. Ang carboxy-THC ay isang sangkap ng cannabis or marijuana.

“The sample was collected by the ITA at the Asian Games Hangzhou 2022 during an in-competition anti-doping control performed on 7 October 2023. The Sample Collection Authority was the China Anti-Doping Agency,” paliwanag ng ITA sa isang pahayag.

Maaaring umapela si Brownlee na buksan ang kaniyang B sample upang masuri.

Kaugnay nito, bibigyan si Brownlee at ang Samahang Basketbol ng Pilipinas ng hanggang Oktubre 19 upang magpaliwanag.

Ayon naman sa mga patakaran, hindi maapektuhan ang gintong medalyang napanalunan ng Gilas kahit pa nagpositibo si Brownlee.