Baka magpapababa ng amats! Lalaking lasing, patay matapos tumalon at sumisid sa Ilog Pasig

Kwento ng mga kainuman ng biktima, inaya pa sila nitong maligo sa Ilog Pasig bago ito tumalon. Humigit-kumulang 30 minuto rin daw siyang naglalangoy-langoy at nagfo-floating bago mapadpad sa gitnang bahagi ng ilog. Malamig na bangay na ito nang maiahon ilang oras ang nakalipas.

Malamig na bangkay nang maiahon ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang lalaking nais lamang raw mag-swimming at sumisid sa Ilog Pasig.

Batay sa mga ulat, lasing ang 33-anyos na si Jonathan Pava, isang construction worker, nang ayain nitong bigla ang mga kainuman na maligo sa Ilog Pasig, na katabi lamang ng barracks ng pinapasukan nila.

“Ang sabi niya po gusto niya pong sumisid diyan, gusto niyang lumangoy. Sabi ko ‘Insan, huwag mo nang pilitin ‘yung sarili mo riyan kasi malulunod ka lang diyan.’ Kaya hindi kami sasama riyan,” kwento ng pinsan ni Pava na si Rogyn Peñano, na katrabaho rin niya.

Sinubukan naman aniya nilang pigilan si Pava, subalit nagalit lamang ito.

“Talagang nagpumiglas po siya na ‘Hindi, ako na lang.’ Maya-maya sabi niya ‘Huwag kang sumunod ah.’ Sinakal niya po ako. Maya-maya tumalon siya,” dagdag ni Peñano.

Humigit-kumulang 30 minuto rin daw nakapag-swimming ang biktima. Sa kasamaang palad, napadpad ito sa gitnang bahagi ng ilog at hindi na siya nasilayan pa.

Na-recover ang malamig na bangkay ni Pava sa may Binondo na sa Maynila matapos ang ilang oras na search and rescue ng PCG.