Baka iniilagan kasi! Buwis sa junk food, wala pang nakukuhang ‘ninong’ sa Senado, Kamara – Diokno

Kinakailangang repasuhin ng economic team ang kanilang revenue collection forecast dahil hindi pa napapasa ang dalawang panukalang buwis, ayon sa Department of Finance (DOF).

Wala pang makuhang suporta mula sa mga mambabatas ang Department of Finance (DOF) para isulong ang pagpataw ng buwis sa mga tinuturing na junk food, ayon sa mga opisiyal.

“Wala pang sponsor… both chambers, walang sponsor,” ani Finance Secretary Benjamin Diokno nang tanungin siya sa status ng mga panukalang buwis sa mga junk food sa Senado at Kamara.

Kinumpirma rin ito ni Finance Undersecretary Karlo Adriano.

Dahil rito, kakailanganing repasuhin ng economic team ang revenue outlook nito para sa taon dahil sa mga panukalang buwis na hindi naipasa sa Kongreso ngayong taon.

Maliban sa junk food tax, hindi rin naisulong sa Kongreso ang pagpataw ng mas mataas na buwis sa mga matatamis na inumin, at pagrepaso sa mining tax regime, paliwanag pa ni Diokno.

Samantala, umaarangkada naman ang mga panuklang buwis sa single-use plastics at digital transactions, ayon pa sa kalihim.

Dahil sa mga inaasahang pagbaba ng koleksyon ng buwis, pinag-aaralan na ng kagawaran kung anong mga gastusin ng gobyerno ang maaaring ipagpaliban muna, at taasan ang antas ng pagkolekta ng buwis sa pamamagitan ng digital na paraan, giit ni Diokno.