Bahagi kayo ng tagumpay ng pangulo: PBBM, pinapurihan, pinasalamatan ang staff ng OP

Ang ginanap na OP Family Day ay isang paraan ng pangulo upang bigyang saya at pasalamatan ang mga empleyado ng kaniyang opisina.

Binigyang-pugay at pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga empleyado ng Office of the President (OP) dahil sa kanilang sipag at dedikasyon sa serbisyo publiko.

“Maraming, maraming salamat sa inyo sa nakaraang taon, sa inyong pagsisikap, sa inyong sipag, sa inyong galing upang tayo nga ay makapagbigay ng magandang serbisyo sa taumbayan,” saad ni Marcos sa kaniyang talumpati sa Family Week ng OP.

Sinabi rin niyang bahagi ang mga ito ng tagumpay ng kaniyang pamahalaan.

“Kahit gaano kasipag, kahit gaano kagaling ang namumuno, kapag kayo ay hindi rin masipag at hindi rin magaling, hindi natin nagagawa lahat ng ating kailangang gawin para tulungan ang ating kababayan,” aniya.

Ayon rin sa pangulo, ang taunang Family Week ay isang pagkakataon para makapag-relax naman ang mga empleyado ng OP, na aniya at gumugugol ng mahabang oras sa trabaho.

Pinangunahan rin ng pangulo ang raffle kung saan 10 empleyado ng OP ang nagwagi ng housing unit mula sa National Housing Authority.