Baha ng biyaya mula karagatan! Sandamakmak na sardinas, dagsa sa mga beach sa Saranggani

Daan-daang residente ang nakapag-uwi ng 20–30 kilo ng mga maliliit na sardinas, na tinatawag na “lopoy” sa Sarangani.

Dumagsa ang daan-daang sardinella o maliliit na sardinas sa mga beach sa bayan ng Maasim sa Saranggani nitong Linggo ng umaga, Enero 7.

Ayon sa pamahiin ng mga residente ng Maasim, ang pagdagsa ng sandamakmak na sardinas ay senyales na magiging maganda ang taon.

Paliwanag naman ng mga siyentipiko, normal ang ganitong mga pangyayari, na dulot ng mga biglaang pagbabago sa temperatura ng karagatan, pagbabago ng direksiyon ng anod, at kakulangan ng plankton na karaniwang kinakain ng isda.

Anuman ang dahilan, nagtulong-tulong na lamang ang mga residente na kolektahin ang mga tinatawag na “juvenile pelagic sardines” upang marami ang mabigyan, partikular na ang mga maralitang mamamayan ng Maasim.

Daan-daang residente ang nakapag-uwi ng 20–30 kilo ng mga maliliit na sardinas, na tinatawag na “lopoy” sa Sarangani.

Kaugnay niyan, nilinaw ni Cirilo Aquadera Lagnason Jr., ng Protected Area Management Office of the Sarangani Bay Protected Seascape, na ang naturang insidente ay hindi senyales ng nagbabadyang kalamidad, na siya namang paniniwala ng ibang nakatatanda.