Baguhang taekwondo student napuruhan matapos ilaban ng coach sa black belter

Isinugod sa ospital ang isang 17 anyos na taekwondo yellow belter matapos itong ipag-sparring ng kanyang coach sa mas malaki at mas matangkad na black belter.

Isinugod sa ospital ang isang 17 anyos na taekwondo yellow belter matapos itong ipag-sparring ng kanyang coach sa mas malaki at mas matangkad na black belter.

Nagtamo ng pasa sa mata at magang-maga ang mukha ng dalagang biktima dahil sa mga natanggap na atake mula sa ka-sparring.

Ayon sa biktima, halos hindi na siya makapasok ng paaralan dahil sa sakit ng kanyang katawan.

Aniya, akala niya ay katapusan na ng buhay niya noong panahon na ‘yun dahil wala umano siyang kalaban-laban sa black belter na iniharap sa kanya, lalo pa’t baguhan lang naman umano siya.

“Grabe po yung epekto ng ginawa nila sa akin. Halos minsan po ‘di na ako makabangon, makapasok sa paaralan kasi po grabe po ‘yung pagbugbog sa akin. Gustung-gusto ko po magsalita kasi sobrang drain na drain na po ako di ko na po kaya,” paglalahad ng biktima.

“Muntikan na po ako mamatay dahil sa bugbog. Binugbog ako na wala akong laban. ‘Di ko kaya lumaban wala ako magawa sa sarili ko kasi pinartner ako sa lalaki na mas mabigat sa akin 70 kilos, black belter pa. Kakasimula ko lang po,” dagdag pa nito.

Ayon sa pamilya ng biktima, ginawa umano ‘yun ng coach dahil may gusto ito sa biktima, subalit nagselos ito nang magdala ng bulaklak ang boyfriend ng dalaga para sa kanyang kaarawan.

“Sinadya po dahil may gusto siya sa anak ko. Meron daw pong biglang inaakap siya, inaakbayan, tapos inaaya siya kumain sa labas, magkape nang sila lang dalawa. Sabi ko di na normal yun. Noong Feb. 26 po birthday… Nagpadala po ako ng pagkain doon para sa team. Sumabay po yung boyfriend ng anak ko. Sinabi po sa akin ng kapatid ko na nagalit si coach nung nakita yung bouquet po na dala ng boyfriend ng anak ko,” kwento ng ina ng biktima.

Sa ngayon, sinamapahan na ang naturang coach ng Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.