Bagong Taon ka sa oblo! Pasaway na Koreano sa BGC, kalaboso matapos umihi sa parke

Nauwi sa kalaboso ang isang pasaway na Koreano matapos itong mag-iskandalo nang sitahin ng isang marshal dahil sa pag-ihi nito sa isang parke habang lasing.

Himas-rehas ngayon ang isang pasaway na Koreano na unang sinita ng isang marshal sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig dahil sa pag-ihi nito sa isang parke.

Nakuhanan pa ng video ng marshal na si Ronald Brian Pentecostes ang Koreano habang umiihi 9th Avenue corner 28th Street. Nang sitain siya umano ni Pentecostes ay bigla na lamang nitong pinagmumura ang marshal at tinaasan pa ng boses.

“Habang nagpapatrol ako, nakita ko bigla siyang umihi sa park. Kinuhanan ko ng video para sitahin. Nang sinundan ko, doon na kami pinagmumura,” kwento ni Pentecostes. “Nang dumaan si Sir Jandy, doon na kami humingi ng tulong.”

Dito na dumating si Cpl. Jandy Galvez, na tumulong kay Pentecostes na arestuhin ang 35-anyos na Koreano, na aniya’y naging agresibo at pinagtutulak pa sila. Kita rin sa ibang video mula sa mga testigo ang paghawi ng Koreano sa marshal at pulis, at ang pagpupumiglas nito nang posasan na ni Galvez.

“Hinahanap niya kami ng ID tapos nagpupumiglas siya. Nagmumura siya nang nagmumura,” saad naman ni Galvez. “Makikita na hinarang natin siya. Kasi kapag nakapasok ‘yun sa tinitirhan niya, hindi namin siya makakausap.”

Ayon naman sa mga awtoridad, maraming residente na rin sa BGC ang nagrereklamo sa mga anila’y indibidwal na walang disiplina.