Bagong Taon, bagong pahirap sa commuter? Mga jeepney na sumunod sa konsolidasyon para sa PUV modernization program, nasa 33% pa lamang—LTFRB

Umabot lang sa 17,152 na public utility vehicles sa Metro Manila ang sumusunod sa mandatong konsolidasyon. Gayunpaman, tiniyak ng LTFRB na walang mangyayaring transport krisis sa susunod na taon.

Inamin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRB) nitong Biyernes, Disyembre 29, na 33.21 porsiyento pa lamang ng mga public utility jeepney (PUJ) ang sumunod sa mandatong konsolidasyon ng pamahalaan para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

Ibig sabihin, mababa sa 14,000 na jeepney ang nakabuo na ng kooperatiba bilang bahagi ng PUVMP.
Samantala, 44.3 porsiyento pa palamang ng mga UV Express units sa Metro Manila ang sumusunod sa konsolidasyon, o katumbas ng 3,259 na sasakyan.

Suma total, 17,152 na public utility vehicles sa Metro Manila ang konsolidado sa ilalim ng PUVMP.

BASAHIN RIN: Iwas krisis: Consolidated na linya ng mga jeepney, bibigyan ng special permits simula 2024 para di maantala ang byahe

Bagaman nakababahala, tiwala ang LTFRB na walang mangyayaring transport crisis sa susunod na taon, lalo na’t marami pang grupo ang dumulog na sa Office of Transportation Cooperatives (OTC) para makasunod sa konsolidasyon.

“This number, for the month of December alone, exceeds already yung buong taon ng 2023 na meron na kaming na-fully accredit na 65 kooperatiba. So, ito na po yung aming ine-expect na tuloy-tuloy yung pumupunta sa amin,” saad ni OTC Chairman Andy Ortega.

Hanggang Disyembre 31, 2023 na lamang ang deadline ng konsolidasyon.