Bagong ‘tanim-bala’? Surot, daga dapat aksyunan ng NAIA – Ako Bicol Rep. Bongalon

Nangangamba si Ako Bicol party-list Representative Jil Bongalon na posibleng gamitin ang issue ng daga at surot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) laban sa Marcos administration.

Saad ni Bongalon, maaaring gamitin pambato ng putik sa gobyerno ang mga peste sa NAIA para maging masama ang imahe ng administrasyon.

“Posible po ba na maging destabilization ito laban sa present government? Posible po. That is my take, wika ni Bongalon.

Kaya naman hinimok ni Bongalon ang mga opisyal ng NAIA na aksyunan ang problema sa pest control.

“Ito po ay kailangang tugunan ng management or mga opisyales ng NAIA and probably they can issue a certification that the airports are now pest-free. Because, again, this will put the administration in a bad light na alam natin ang airport ay gateway papunta sa iba’t-ibang bansa,” giit ng mambabatas.

Aniya, kung patuloy ang problema sa naturang paliparan ay baka bumalik ang issue ng ‘tanim-bala’ noong 2015.

“Napaka-unusual lang po ano. Kasi una, surot. Ngayon daga na naman. Eh hindi na po natin dapat hintayin na dumating pa sa punto na yung tanim-bala ay bumalik na naman,” saad ni Bongalon.

Matatandaan na naging talamak ang nahuhuling bala ng baril sa mga bagahe ng pasahero sa iba’t ibang airport sa bansa.

Isang Amerikano ang nagreklamo na kinikikilan siya ng ilang libong piso ng mga airport personnel matapos makitaan ng bala sa kanyang bagahe.

Nangyari pa ito sa ilang Pinoy at foreign passenger na kinailangan magpiyansa matapos nilang mataniman din ng bala.