Bagong tambayan ng adik para libre ang high? Mga crematorium ooblighahin na magsunog ng kumpiskadong iligal na droga ng panukalang batas

Sa ilalim ng naturang panukala, hindi maaaring tumanggi ang isang incineration facility dahil maaari itong makaharap sa suspensiyon o multa. Bibigyan naman ito ng mga tax incentive kapalit ng trabaho, ayon sa panukalang batas.

Ipinanukala ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pagbibigay ng tax incentives sa mga crematorium na tutulong sa mga awtoridad sa pagsunog sa mga nakumpiskang iligan na droga.

Ito ang isa lamang sa mga rekomendasyon sa House Bill (HB) No. 9668 ni Barbers, na kilala rin bilang “Prompt Dangerous Drugs Destruction Act of 2023.”

Sa ilalim ng nasabing panukala, lahat ng incineration facility gaya ng mga crematorium ay dapat tumulong sa pamahalaan sa pagsunog sa mga iligal na droga, partikular na ang shabu, na makukumpiska ng mga awtoridad sa mga anti-drug operations nito.

Paliwanag ni Barbers, na siya ring chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, kulang sa mga incineration facilities ang bansa na susunog sa mga kumpiskadong droga, na nananatiling nasa kustodiya ng mga awtoridad sa matagal na panahon. Dito aniya pumapasok ang temptasyon na nakawin ang nasabat na droga at ilabas muli.

“Kung maipapagamit sa atin ng libre ang mga incineration at cremation facilities para sunugin agad-agad ang mga kumpiskadong droga, maiiwasan na ang drug pilferage at recycling na matagal nang kinakaharap ng ating lipunan,” saad ni Barbers.

Bilang kapalit, bibigyan ang mga pasilidad ng tax incentive na 10% basta hindi hihigit sa P50,000.