Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, inilunsad ni PBBM sa Camarines Sur

Inilapit ng gobyerno ang serbisyo sa mga tao upang hindi na mahirapan ang mamamayan, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

CAMARINES SUR – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang simultaneous national launching ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Nabua, Camarines Sur nitong Sabado, Setyembre 23, 2023.

Nagtipon-tipon sa naturang aktibidad ang 29 na ahensya ng gobyerno para sa mas mabilis na paghahatid ng kani-kanilang mga serbisyo at mga programa.

Ayon kay Pangulong Marcos, magbibigay ng panibagong pag-asa sa mga Pilipino ang bagong Pilipinas Serbisyo Fair at makakatulong din ito upang umangat ang ekonomiya ng bansa.

Bukod dito, nanguna rin ang punong ehekutibo sa pamamahagi ng farm equipment sa mga napiling mag sasaka.

Namigay naman ng Wheel Chairs at Jerry Cans ang Department of Health (DOH), toolkits sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), hygiene kits sa Civil Defense (OCD), fish cage packages at motor bancas sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Kabuoang pitongput limang (75) programa at serbisyo ang inalok sa aktibidad kung saan isang daan at dalawampung libong residente ang tinatayang benepisyaryo.

Isang karangalan naman para kay Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte na muling mabisita ng pangulo at isa sa mga pinaglunsadan ng programa.

Samantala, nagkaroon rin ng Kadiwa Caravan sa naturang aktibidad tampok ang ibat-ibang produkto sa rehiyon na pwedeng mabili sa murang halaga.