Bagong Pilipinas ni PBBM, simula nang pagbabago at mas magandang serbisyo publiko—PCO

Pormal nang ilulunsad ang Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayon sa isang kickoff rally sa Quirino Grandstand.

Hindi lang gimik ang ilulunsad na Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kundi isang bagong simula rin na magmamarka ng mas magandang serbisyo publiko ng pamahalaan.

Iyan ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Gerald Baria sa isang news forum sa Quezon City nitong Sabado, Enero 27.

“Ito iyong parang declaration ng commitment ng Philippine bureaucracy, ng gobyerno para mag-level up ng government services para marating ang Bagong Pilipinas,” saad ni Baria.

Ang pormal na paglulunsad ng Bagong Pilipinas, aniya, ay simula nang pag-papaigting ng pamahalaan sa mga serbisyo nito.

“So, magandang maintindihan ito kasi napaka-multilayer ng Bagong Pilipinas – hindi lang ito logo, hindi lang ‘to branding, hindi ito government program. It’s multi-sectoral/multilevel na concept na i-implement,” dagdag ni Baria. “Actually, in-start na siyang i-implement pero parang officially idi-declare bukas na simula na ng ating pagtungo sa Bagong Pilipinas.”

Sa parehong forum, binigyang-diin rin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Odillon Pasaraba ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa tagumpay ng Bagong Pilipinas dahil kabilang sila sa mga pangunahing magbibigay ng serbisyo sa taumbayan.