Bagong pambansang programa kontra gutom, ipatutupad ni PBBM—EO

Layunin ng programa na ibaba ang bilang ng mga nagugutom na Pilipino sa pamamagitan ng pagbabahagi ng pera pambili ng pagkain sa mga tindahan na kalahok ng programa.

Itinatag na ng gobyerno ang “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program” bilang isa sa mga pangunahing programa ng administrasyon sa bisa ng Executive Order (EO) No. 44 na ipinagtibay ng Palasyo kamakailan.

“The ‘Walang Gutom 2027: Food Stamp Program’ of the DSWD is hereby declared as a Flagship Program of the National Government. The DSWD, as the primary government entity responsible for the implementation and management of social welfare development programs in the country, shall be the lead implementing agency of the Food Stamp Program,” ayon sa kautusan na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Huwebes, Oktubre 12.

“The DSWD shall undertake the necessary steps for the successful implementation and expansion of the Food Stamp Program including, but not limited to, the identification of eligible beneficiaries and collaboration with relevant stakeholders to ensure efficient and timely distribution and use of food stamps,” ayon pa sa kautusan.

Ayon sa EO, hinihikayat ang lahat ng ahensya ng gobyerno na suportahan ang DSWD sa pagpapatupad ng Walang Gutom 2027: Food Stamp Program.

Binigyan rin ang DSWD ng pahintulot na lumikha ng mga bagong pwesto sa kagawaran na mamumuno sa programa.

Isa sa mga pangunahing programa ng DSWD ang “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program,” na layuning ibaba ang bilang ng mga nagugutom na Pilipino sa pamamagitan ng pagbabahagi ng pera pambili ng pagkain sa mga tindahan na kalahok ng programa.