Bagong kakampi kontra vote-buying! DILG, sumapi sa Kontra Bigay program ng Comelec

Higit sa 6,000 na kandidato na rin ang pinagpapaliwanang ng komisyon dahil sa mga diumanong paglabag sa mga panuntunan ng eleksyon, ayon sa isang opisyal.

Lumagda ang Commission on Elections (Comelec) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa isang kasunduan sa pagsasanib-pwersa ng mga ahensya upang labanan ang bilihan at bentahan ng boto sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Bahagi pa rin ito sa pina-igting na kampanya ng Comelec, na tinatawag nitong “Kontra Bigay Program,” laban sa talamak na paglabag sa panuntunan ng eleksyon.

“We’re ready to support Comelec to safeguard the ballot. Labanan natin ang pagbili at pagbebenta ng boto, isang pinakamasamang kanser ng lipunan,” ani Interior Secretary Benhur Abalos sa kanyang talumpati.

“Sa maliit na pagboto, pakita nating hindi natin ibebenta at iluluklok natin ang karapat-dapat,” dagdag pa ni Abalos.

Ayon kay Comelec chair George Garcia, higit sa 6,000 na kandidato na ang pinagpapaliwanang ng komisyon dahil sa mga diumanong paglabag sa mga panuntunan ng eleksyon.

“It is our commitment that before October 30, we will disqualify candidates to prove to them that Comelec is so serious in our fight against premature campaigning,” aniya.

“Ipapakita natin sa mga kantidato, hindi natin sila papaupuin kung sila ay makakakuha ng premature campaigning and vote-buying at mapapatunayan na sila ay nag-commit nito,” dagdag pa ng opisyal.