Bagong direktor ng PNP BICOL, nanumpa na sa tungkulin

Masaya ang bagong talagang direktor ng PNP sa rehiyon dahil ito ang unang pagkakataon manungkulan sa Bicol region sa kanyang 29 na taong serbisyo.

LEGAZPI CITY, ALBAY – Pormal nang umupo na bilang bagong Regional Director ng Philippine National Police (PNP) Bicol si Brig. Gen. Andre Dizon.

Isinagawa ang Turn-Over ng Office Ceremony sa Kampo Heneral Simeon Ola sa Legazpi City.

Disyembre 11 nang opisyal na pinalitan ni Dizon ang dating regional director na Westrimundo Obincque na itatalaga sa Kampo Krame. Pebrero 28 ngayong taon nang namuno ng PNP Bicol si Obinque.

Malaki ang pasasalamat ni Obinque sa mga pulis sa Bicol dahil sinuportahan nila ang kanyang mga hakbang para sa mas maayos at progresibong rehiyon. Malaki rin ang tiwala niya sa bagong mamumuno ng komandansya sa Bicol dahil isa rin siyang Bikolano na galing Prieto Diaz, Sorsogon.

Para naman kay Dizon, masaya siya bilang bagong direktor ng PNP sa rehiyon dahil ito ang unang pagkakataon pagkatapos ng 29 taon bilang pulis na matagal na nagsilbi sa rehiyon.

Nagbigay din ng mensahe ang kinatawan ni General Benjamin Acorda Jr. na si Lt. Gen. Rhoderick Armamento, Area Police Commander ng Southern Luzon kung saan binigyan nitong pagkilala ang ginawa ni Obinque sa rehiyon habang tiwala naman siya sa bagong mamumuno dahil sa magaganda ang accomplishment nito.

Samantala, magkakaroon naman ng Turn-Over of Office ceremony ang provincial director sa Masbate habang pag-aaralan naman kung papalitan ang ibang provincial director sa rehiyon.