Bagong amo, bagong tauhan: Balasahan sa DA, sinimulan na

Unang nilabas ni Laurel ang Special Order No. 1360, na nagtalaga kay Alvin John Balagbag bilang new chief of staff at head executive assistant.

Gaya ng una niyang sinabi, sinimulan na ni Department of Agriculture Secretary Kiko Laurel Jr. ang pagbalasa sa hanay ng kaniyang ahensya.

Unang nilabas ni Laurel ang Special Order No. 1360, na nagtalaga kay Alvin John Balagbag bilang new chief of staff at head executive assistant. Pinalitan ni Balagbag, isang abogado, si Agriculture Assistant Secretary Rex Estoperez.

Kaugnay niyan, hinikayat ni Laurel lahat ng opisyales at tauhan ng DA na suportahan si Balagbag.

Samantala, itinalaga naman ni Laurel si Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra bilang pinuno ng Kadiwa program, na dating hinahawakan ni assistant secretary Kristine Evangelista.

Si Evangelista ay una nang pinasisibak ng Office of the Ombudsman dahil sangkot ito sa isang anomalya na may kaugnayan sa pagtaas ng presyo ng sibuyas noong nakaraang taon.