Bagong 4Ps beneficiaries ilalabas ng DSWD

Ang mga bagong papasok na 4Ps beneficiaries ay magmumula sa talaan ng waitlisted sa ilalim ng ‘Listahan 3’ o National Household Targeting System for Poverty Reduction.

Maglalabas ng bagong listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program’ (4Ps) beneficiaries ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Setyembre.

Inanunsyo ito ni Director Gemma Gabuya, pinuno ng 4Ps National Program Management Office ng DSWD dahil mayroong 200,000 sa kasalukuyang 4Ps beneficiaries ang aalisin sa listahan. “Mayroong mga around 200,000 na wala ng eligible children na automatic na mag-e-exit sa program.”

Alinsunod sa Republic Act No. 11310, o 4Ps Law, awtomatikong inaalis sa programa kapag naging 19 years old na ang “last monitored child” sa isang qualified household beneficiary.

Ang mga bagong papasok na 4Ps beneficiaries ay magmumula sa talaan ng waitlisted sa ilalim ng ‘Listahan 3’ o National Household Targeting System for Poverty Reduction.

Pagtitiyak naman ni Gabuya na matutulungan pa rin ng pamahalaan ang maaalis sa 4Ps dahil may nakalaan namang ibang programa sa mga ito. “To ensure that the exiting households will not slide back to poverty, DSWD is working with other government agencies and local government units to provide livelihood opportunities and other interventions that will help meet the needs of the families,” ani Gabuya.

Sinabi pa ni Gabuya na nasa 800,000 ang ibinalik sa listahan dahil hindi pa umano handa ang mga ito na maka-graduate sa 4Ps.

Samantala, nagbabala ang DSWD Laban sa mga 4Ps beneficiaries na nagsasangla ng kanilang cash card.

Sinabi ng kagawaran na maaari silang alisin sa programa at maaari ring kasuhan ang tatanggap ng sangla.