Bad yan, tita! Ginang na nangikil sa isang estudyante, kalaboso sa Sorsogon

Siningil diumano ng suspek ang biktima matapos tulungan maging benepisyaryo ng Ako Bicol Party List.

SORSOGON – Arestado ang isang ginang sa entrapment operation ng pulisya sa Purok 4, Barangay Guinlahon, West District, Sorsogon City nitong Lunes, October 2, 2023.

Nabatid na inireklamo ng 21-anyos na si Magdaline Jardin Jeresano ang 57-anyos na kabarangay na si Jesusa Buitizon Gogolin matapos hingan ng huli ng halagang P1,000.00 ang biktima na kabayaran niya diumano sa pagkakasabay niya sa educational assistance ng Ako Bicol Party List.

Agad nagkasa ang pulisya ng isang Entrapment Operation laban sa suspek. Dakong alas-7:30 ng gabi nang maaresto ang suspek sa mismong bahay ng biktima kung saan naaktuhan ng awtoridad ang pagtanggap nito ng naturang halaga.

Ayon kay Ako Bicol Partylist Representative Atty. Jil Bongalon, hindi nila kokonsintehin ang ganitong gawain lalo pa’t nakasalalay dito ang kinabukasan ng kanilang mga benepisyaryo.

Naniniwala naman ang Philippine National Police (PNP) na hindi ito ang unang beses na nagawang mangikil ng suspek kaya bukas din diumano ang kanilang himpilan sa ibang biktima ng ginang nang sa gayon ay mabigyan ito karampatang aksyon.

Kasong Robbery Extortion ang kakaharaping asunto ng suspek.