Bad ‘yan! Talamak na bentahan ng rehistradong SIM sa Facebook, bistado ng Privacy Commission

Pinaalalahanan ng National Privacy Commission (NPC) ang publiko na labag sa batas ang pagbebenta ng rehistradong SIM, at mahaharap sa parusang multa o kulong ang sinumang sangkot sa iligal na gawain.

Pinaalalahanan ng National Privacy Commission (NPC) ang publiko na labag sa batas ang pagbebenta ng rehistradong SIM, at mahaharap sa parusang multa o kulong ang sinumang sangkot sa iligal na gawain.

Nagpalabas ng paalala ang NPC matapos ma-diskubre nito na talamak ang bentahan ng mga rehistradong SIM card sa Facebook. Ayon sa NPC, hinihimok ng mga ahente umano ang publiko na ibenta ang mga nasabing SIM sa halagang P1,000.

Nabuking rin ang bentahan sa Facebook Marketplace, kung saan binebenta ang mga rehistradong SIM sa halagang P500.

Mariing ipinapaalala ng NPC na iligal ang pagbebenta ng mga rehistradong SIM alinsunod sa SIM Registration ACT. Bukod sa ito ay labag sa batas, maaari rin mapahamak ang sinumang magbenta ng kaniyang rehistradong SIM dahil maaari umano itong gamitin ng masasamang loob sa krimen o mga iligal na gawain.

Ipinasa ang SIM Registration Act upang maiwasan ang paglaganap pa ng mga text scams, na nauna nang naging talamak noong panahon ng pandemya. Layon rin ng nasabing batas na maiwasan ang iba pang krimen.

Kaugnay rito pinaaalalahanan ng NPC ang publiko na may tamang proceso sa pagbebenta o paglilipat ng rehistradong SIM, at ito ay dapat dumaang muli sa verification, kung saan ire-rehistro rin ang pagkakakilanlan o ‘identity’ ng bagong may-ari ng SIM.

Dagdag pa ng NPC, sinumang hindi susunod sa mga alituntunin ng SIM Registration Act ay maaaring pagmultahin ng mula P100,000 hanggang P300,000, bukod pa sa pagkakabilanggo.