Backrider, patay matapos mabangga ng truck sa Guinobatan; tatlong kaanak, sugatan

Ligtas naman ang dalawang bata na lulan rin ng motorsiklo nang ma-disgrasya ito

ALBAY- Dead on the spot ang isang babae makaraang mabangga ng truck ang sinasakyang motosiklo pasado alas-6:00 ng gabi nitong Huwebes, September 28, 2023 sa Maharlika Highway, Purok 5, Sitio Basud, Barangay San Rafael, Guinobatan.

Kinilala ang biktimang si Angelina Paladin y Ravago, 59 anyos ng Barangay Calzada ng naturang bayan habang ang driver ng truck ay kinilalang si Albert Loveres y Mandia, 58 anyos ng Purok 4, Barangay Penafrancia, Daraga.

Batay sa imbestigasyon, minamaneho ng anak ng biktimang si Jesus Francis Paladin ang naaksidenteng motorsiklo sakay din ang dalawang menor de edad na apo ng biktima na ipapahilot sana subalit pagdating sa intersection ay nabangga ito ng naturang truck.

Sa lakas ng impact ay tumilapon ang biktima at pumailalim sa truck dahilan upang magkalasog-lasog ang katawan ng biktimang si Angelina habang sugatan naman ang mga kasamahan nito.

Kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide, Physical Injuries at Damage to Properties ang kakaharaping kaso ng suspek.