Back to work na, bossing! Ibalik si Guadiz sa LTFRB — ‘Magnificent 7’ transport groups

Ayon sa isang koalisyon ng mga transport group, dapat ibalik sa active duty si LTFRB chair Teofilo Guadiz III siya ang isa sa mga "saving grace" ng administrasyon dahil sa kakayahan at kredibilidad nito.

Nakakuha ng mga kakampi ang suspendidong chairman ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na si Teofilo Guadiz III.

Kulang sampung araw matapos suspindihin si Guadiz ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay nanawagan ang tinaguriang “Magnificent 7” na ibalik na sa panunungkulan ang chairman.

Ang Magnificent 7 ay binubuo ng mga transport groups na PASANG MASDA, BUSINA, ALTODAP, ACTO, STOP & GO, UV EXPRESS, at LTOP, at nagsagawa sila ng support rally para kay Guadiz sa harap ng LTFRB Central Office as Quezon City.

Dito nila hinikayat si Marcos na ibalik sa active duty si Guadiz dahil sa kakayahan at kredibilidad nito.

“Bilang mga grupo na matagal nang sumubok sa serbisyo ng LTFRB, nananatiling buo ang aming paniniwala at suporta kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na hindi nagkulang sa pagbalangkas ng mga proyekto, programa, at hakbang para sa aming mga ordinaryong operator at tsuper,” sabi ng Magnificent 7.

Dagdag nito: “Mapagpakumbaba naming hinihimok si Pangulong Marcos na pakinggan ang tinig ng nakararami at ibalik si Chairman Guadiz para ipagpatuloy niya ang kanyang mga programa at proyekto para sa aming mga operator at mga tsuper.”

Sinabi rin ng Magnificent 7 na si Guadiz pa mismo ang nagbalik ng kredibilidad sa LTFRB at isa siya sa mga “saving graces of the BBM administration.”