Babantayan namin kahit digital pa: Comelec, nakamasid sa vote-buying at vote-selling sa social media

Dahil maaaring hi-tech na rin ang vote-buying at vote-selling, tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na maging social media, online banking, at mga e-wallet ay bantay-sarado rin sa ahensiya.

Inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) na naka-monitor rin ito maging sa social media sa mga maaaring vote-buying o vote-selling kaugnay sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco sa isang panayam sa Teleradyo Serbisyo na ang pagbibigay ng mga digital token ay isang paraan na ng vote-buying. Gayunpaman, maaaring mag-send ang mga indibidwal ng digital coins, stars, o chips sa mga napupusuan nilang kandidato.

Dagdag pa ni Laudiangco, makikipagtulungan ang ahensiya sa Bangko Sentral ng Pilipinas, Anti-Money Laundering Council, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at e-wallet companies upang susuyurin rin ng ahensiya ang online banks at e-wallet applications para sa mga posibleng kaso ng vote-buying at vote-selling.

Partikular na titignan ng Comelec ang pagdami ng mga transaksiyon mula sa isang sender patungo sa mga indibidwal sa parehong komunidad.