Babaklasin namin lahat ‘yan! PCG, nangakong tatanggalin lahat ng floating barriers na ilalagay ng China

Nangako ang Philippine Coast Guard na patuloy nitong babaklasin ang mga floating barriers na ilalagay pa ng Chinese Coast Guard sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.

Mariing sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes, Setyembre 29, na gagawin nito ang lahat upang tanggalin ang anumang floating barriers na ilalagay ng Chinese Coast Guard (CCG) sa Scarborough Shoal.

Matatandaang una nang naglagay ang CCG ng floating barrier sa isang bahagi ng Scarborough Shoal, na kilala rin bilang Bajo de Masinloc.

“In the next coming months, if ever that barrier will once again be in place, the Philippine Coast Guard will do whatever it takes for us to remove the barrier,” pagtitiyak ni PCG spokesman for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sa mga reporters.

Pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang posibilidad na mag-file na kaso laban sa China kaugnay sa paglalagay nito ng nasabing floating barrier.