Ayusin muna ang mga kaso! Proklamasyon ng mga mananalong nahaharap sa DQ, aprubado na ng Comelec

Opisyal nang hindi maipoproklama ang mga kandidatong mananalo sa BSKE na nahaharap sa disqualification case hangga't hindi ito nareresolba.

Inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes, Oktubre 24, ang panukalang suspindihin ang proklamasyon ng mga kandidatong mananalo sa barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kung nahaharap sila sa diskwalipikasyon.

“Please be informed that during the Referendum Consultation today, the Commission resolved to APPROVE the Suspension of Proclamation of named respondents with pending petitions to deny due course or to cancel Certificate of Candidacy (COC); to declare a nuisance candidate; and for disqualification until further orders from the Commission,” saad sa Comelec Memorandum 231111.

Sa kalakip na excerpt sa memorandum, iginiit rin ng Comelec en banc na may kapangyarihan silang suspindihin ang proklamasyon ng sinuman sa ilalim ng Section 600 ng Comelec Resolution 10924.

Sinabi naman ni Comelec chair George Erwin Garcia sa isang ambush interview habang nagsasagawa ng Oplan Baklas ang Comelec na may mahigit isang buwan ang ahensiya na resolbahin ang mga naturang kaso dahil Disyembre 1 pa naman mauupo ang mga mananalo sa BSKE.

Kung madidiskwalipika ang nanalo, ang susunod na kandidatong may pinakamaraming boto ang tatanghalin para sa posisyon.