Ayusin ang papeles kaagad! Registered owner pa rin ang hahabulin ng awtoridad kahit nabenta na ang sasakyan–LTO

Kadalasang nalilimutan ng mga may-ari ng sasakayan na irehistro ito lalo na kapag hulugan ang bayad dito at mabilis na ibinebenta ito, ayon sa Land Transportation Office (LTO).

Bagaman umabot na sa 8.5 milyong rehistradong motorsiklo sa buong Pilipinas, tinatayang milyon-milyon pa rin ang hindi rehistrado sa Land Transportation Office (LTO).

Maraming may-ari ng motorsiklo ang nakakalimot magrehistro o hindi nalilipat sa pangalan ng nakabili ang pag-aari sa sasakyan, paliwanag ni LTO chief Vigor Mendoza II.

“Marami na ‘yang [8.5 million registered] pero mas higit pa diyan ang motorsiklo sa daan. Marami diyan hindi registered up to date. Mahina ang doble [sa unregistered motorcycles], we are looking at 16-17 million. Concentration ay sa [National Capital Region], Region 3 and Region 4,” sinabi ni Mendoza sa isang panayam.

Sa pagkakatanda ni Mendoza, nasa 38 milyon ang bilang ng mga 4-wheeled na sasakyan at motorsiklo sa kalsada, ngunit 13.9 milyon lang ang rehistrado.

“Majority of vehicles on the road are not registered,” aniya.

Kadalasang nalilimutan ng mga may-ari ng motorsiklo ang pagrerehistro, lalo na kapag hulugan ang bayad dito na tumatagal ng tatlo hanggang limang taon, ayon kay Mendoza. Kaya pinatutugis na ito ng opisyal sa mga kawani ng LTO.

Binalaan ni Mendoza ang mga may-ari ng sasakyan na maaari silang habulin ng mga awtoridad kapag nalagay sa disgrasya ito.

“Ang registered owner ang liable,” aniya.