Ayaw na ngang sumunod, gusto pang mang-abala! Transport groups, magsasagawa na naman ng protesta kontra PUV modernization

Pangungunahan ng MANIBELA at PISTON ang gaganaping protesta bukas, Enero 16, laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan. Sila rin ang parehong grupo na nanguna sa mga tigil-pasada noong Nobyembre at Disyembre. Pareho rin silang hindi sumunod sa mandatong konsolidasyon.

Nagkasa na naman ang grupong MANIBELA ng malawakang kilos-protesta laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

Sa Metro Manila, magsisimula ang protesta sa isang pagtitipon sa University of the Philippines-Diliman sa Quezon City ng 9:00 a.m.

Magmamartsa ang grupo patungong España sa Manila at magtitipon sa Mabuhay (Welcome) Rotonda. Mula rito ay tutungo sila sa Chino Roces Bridge sa Mendiola sa Maynila para sa isang programa.

BASAHIN RIN: Paano na lang ang commuter? Transport groups, kokontrahin si PBBM sa PUV modernization hanggang sa dulo ng walang hanggan!

“Sama-sama po nating ipanawagan at ipagtanggol ang ating mga prangkisa at kabuhayan. Sama-sama nating katukin ang pintuan ng Malacañang at ang Pangulo! Triplehen natin ang dami nito,” saad ng MANIBELA sa isang post sa Facebook page nito nitong Linggo ng gabi, Enero 14.

Sa parehong post ay nilinaw rin ng grupo na hindi transport strike ang idaraos nila kundi protesta.

Kasama rin daw sa protesta ang iba pang transport groups sa pangunguna ng PISTON, na nagsagawa rin ng dalawang linggong transport strike kasama ang MANIBELA noong Disyembre.

BASAHIN RIN: Pili kasi muna bago kuda! Kooperatiba ang pipili kung saan bibili ng modern jeep–LTFRB